8.27.2010

Barkada

Marami-rami na rin akong naging kakilala... magmula sa kinokopyahan ko ng mga sagot sa seatwork nuong elementary hanggang sa istambay na huling pinagsindihan ko ng yosi kanina bago ko sinimulang isulat ang edisyon na ito. Yung iba kilala ko pa rin sa pangalan, yung iba sa mukha ko na lang siguro matatandaan. Ewan ko lang yung mga kilala ko sa pangalan na hindi ko na nakita nung mga nagdaang panahon kung makikilala ko pa rin sa mukha. Yung iba maaring tumaba, pwedeng pumayat, gumanda o kaya pumogi, nagmukhang blooming o kaya nagmukhang adik. Kasi kapag binabalikan ko sila sa aking memorya, yung huling itsurang nakita ko sa kanila ang itsurang nakikita ko. May nakakatawa, may nakakaawa, nakaka in-love, at siyempre may nakakaasar. Nakaka-miss din 'no? Lalo na kapag tinatamaan ka ng pagkabagot. Kung tutuusin, mga ordinaryong tao lang naman ang mga ito e. Mga estranghero sa isang dagat ng di kilalang mga mukha. Subalit dahil sa sila ay dumating sa mga buhay natin nang hindi natin sinasadya, sa tamang lugar at panahon, yaon ay sapat na. Kung medyo nahihirapan ang memorya mong matandaan sila, heto ang ilan sa mga tipikal na miyembro ng isang barkadahan. Puwede mo ring hanapin ang sarili mo kung sino ka sa mga ito.

Sa isang barkadahan, mayroong:

- Isang tao na parang pinaka-leader ng barkada. Kadalasan yung pinakamatanda o di kaya naman yung pinaka maimpluwensiya. Madalas din na sila yung may sasakyan o kaya yung may-ari ng family computer na ginagamit ng buong tropa.

- Yung miyembro na sunod sa pinaka leader. Madalas pagtanungan kapag wala yung leader. Ito yung tipong kapag tinanong tungkol sa isang lakad, ang madalas na sagot ay "Sige, itatanong ko kay... (pangalan ng leader)"

- Yung silent type. Laging tahimik at sunod lang lagi kung ano ang mapagpasiyahan ng grupo. Open sa lahat ng suggestions at ang madalas na linya ay "Umm... ok din 'yun..."

- Yung life of the party. Mahilig magpatawa at manukso at kadalasan tampulan din ng tukso. Hindi tumitigil sa pagpapatawa hanggat walang kinakabag sa grupo. Kadalasan yung pinaka-chubby sa barkada.

- Yung seryoso. Yung tipong anti social. Madalas mapikon at masabihan ng "killjoy" o KJ. Minsan siya yung tipong may hangarin na maging leader ng grupo. Kung nanonood ka ng pinoy action flix kung saan ang leader ng mga kontrabida ay si Vic Diaz, siya yung tipong Efren Reyes Jr o kaya Dick Israel ang dating. Nakikitang umaayon sa leader pero may balak palitan sa pwesto yung leader.

- Yung brainy. Madalas pagtanungan ng leader kung ano ang susunod na gagawin. Sa kanya rin tinatanong kung ano ang rules kapag nagtu-tumbang preso o kaya futbol. Unang nakakaalam kung ano na ang usong teks. Madalas nakasalamin, o kaya maliit, o kaya payat.

- Yung filler. Wala lang. Nakasama sa barkada kasi minsang nahingan ng pabor kadalasan ng mismong leader. Kasama sa mga laro pero iba ang direksyon. Hindi lahat ng miyembro gusto siya, at medyo ilang kapag hinihiraman ng laruan. Madalas isa o dalawa lang sa grupo ang talagang nakakakilala sa kanya, ang isa sa kanila ay pinsan kung hindi man kinakapatid.

- Yung baby. Yung madalas sinasaway kapag nagugulo ang set up ng bahay-bahayan o kotse-kotsehan. Siya rin ang madalas na gumanap bilang mamimili kapag naglulutu-lutuan tapos sinasabihan kung ano ang gagawin at sasabihin ayon sa script ng leader. Siya rin ang unang sumasagi sa isip ng lahat kapag nagtatakbuhan... lalo na kapag may asong humahabol sa likod.

- Yung starter. Kadalasan isa o dalawang miyembro ito. Sila ang may pambihirang kakayahan na mag-isip ng kung anu-anong kapilyuhan mula sa pamimitas ng aratilis o kamias ng walang paalam sa may ari, hanggang sa pag-pindot sa doorbell ng kapitbahay tapos magtatakbuhan. Mga creative ika nga. Sila rin yung mga nakakagulat kapag nakita mo uli pagkalipas ng mga taon at malalaman mo na nag-sundalo o kaya nag-Pari pala.

- At ang pinakamarami, kung hindi man lahat sa isang barkadahan... Yung may isip at may pusong bata. Sila yung kahit nagsitanda na ay may puwang pa rin ang pagiging bata. Sila yung mga emosyonal para sa grupo. Kaisa sa damdaming ang barkadahan ang pinakamasayang karanasan sa kanilang buong buhay. Sila yung mga ibinuhol sa samahan gamit ang iisang layunin at interes. Mga miyembrong hindi nakakalimot anuman ang dumaan, at nandiyan pa rin sa gunita lumipas man ang mahabang panahon.

Minsan, nakakatisod tayo sa kalsada ng mga bagay sa ating paglalakad. Maaring bubog na kayang humiwa sa ating mga paa, maari ding isang bato ngunit walang katumbas ang halaga.

"Prends" na ba tayo?


- Kabesang Tasyo

Related Posts:

  • What makes me happy This essay was originally homework. Lol. WHAT MAKES ME HAPPY                 Happiness. Wise men … Read More
  • Why did the chicken cross the road?KINDERGARTEN TEACHER: To get to the other side. PLATO: For the greater good of man. ARISTOTLE: It is the nature of chickens to cross roads. KARL MARX: It was a historical inevi… Read More
  • The Path - Motivation CycleI love writing and sharing random stuff. Ralph and I were talking a while ago. He was kind of sad and unmotivated, so I treated him to fries and Coke float, made a paper folded hea… Read More
  • Dat feeling Sigh. I just realized a few things and I would like to share it with you guys. 11. I am being unfair. Or not. I always think that I'm giving these people the chances they a… Read More
  • The Anti-Global Warming SpeechThis speech was by Max Ride, the 98% human 2% avian main character from the Maximum Ride series by James Patterson. You can find the following speech in Book 4: The Final Warning. … Read More

0 comments:

Post a Comment